Ang Pista ng Barangay Tolarucan sa Bayan ng Mina Ang Tolarucan ay isa sa dalawampu’t dalawang barangay na matatagpuan sa bayan ng Mina sa probinsya ng Iloilo. Karaniwang ipinagdiriwang dito ang pista ni Señor Santo Niño tuwing ikatlong Linggo ng buwan ng Enero. Noong nakaluklok pa bilang punong barangay si Charlie Gonzales mula taong 2002 hanggang 2013 ay talagang napakasaya ng pista sa Tolarucan. Napakaraming nagaganap na mga aktibidad bawat taon tulad na lamang ng pag-aalay ng misa para sa kanilang patron, pagkakaroon ng mga peryahan, pagtugtog ng banda kasama ang mga majorettes, pagkakaroon ng intertown basketball leagues at pagparada ng mga basketball muses, street dance o pagsasayaw sa kalye at daanan, at pagkakaroon ng mga patimpalak gaya ng Mister & Miss at Ms. Gay.Matapos ang termino ni dating kapitan Gonzales noong 2013 ay tuluyan na ding natigil ang nakagawaing selebrasyon na ito. Nang maupo naman bilang kapitan si Teodoro “Tiko” Camarista noong 2020 ay isang resolusyon ang kanilang ipinasa upang ilipat ang petsa ng pista sa ikatlong Sabado ng Mayo at ito ay sinangayunan naman ng simbahan pagkatapos. Lalo pang naiba ang pagdiriwang ng kapistahan sa barangay Tolarucan dahil na rin sa pandaigdigang pandemya na ating nararanasan hanggang ngayon.Nito lang Sabado, Mayo 21, 2022, ay ginunita ng mga Tolarucnons ang kapistahan ni Señor Santo Niño. Maaaring hindi ito kasing sigla ng mga nakaraang pista ngunit mababakas mo pa rin ang kasiyahang dulot nito sa mukha ng mga Minanhons lalo na sa mga taga-Tolarucan. Ayon pa kay Kapitana Luisa “Luing” Gonzales, Punong Barangay ng Tolarucan ngayon, ay balak nilang ibalik ang petsa ng kapistahan mula ikatlong Sabado ng Mayo sa ikatlong Linggo ng Enero.